
Yapak- Si Fernando Evangelio Delos Reyes, Jr., na mas kilala sa pangalang “Sir Totoy,” ay ipinanganak noong taong 1988 sa Sitio Hagdan, Barangay Yapak, Malay, Aklan, at dito rin siya lumaki. Siya ang pangatlo sa walong magkakapatid na anak nina Fernando “Boy” Oczon Delos Reyes, Sr. at Judy “Dadang” Mendoza Evangelio.
Sa kasalukuyan, si Sir Totoy ay masayang namumuhay kasama ang kanyang butihing asawa na si Melody “Lablab” Flores Moises. Sila ay biniyayaan ng dalawang anak na sina Isabelle Moise Delos Reyes (“Izah”) at Godric Aze Moises Delos Reyes (“Aze”), na nagsisilbing inspirasyon sa kanyang patuloy na pagsisikap at paglilingkod.
Mula pa sa kanyang kabataan ay naranasan na ni Sir Totoy ang matinding pagsubok sa buhay. Dahil sa kahirapan ng kanilang pamilya, nagkahiwa-hiwalay silang magkakapatid sa murang edad. Nagsimula ito nang umalis ang kanilang ama patungong Batangas upang maghanapbuhay ngunit sa loob ng halos limang taon ay hindi sila nabalikan, nakontak, o napadalhan ng anumang suporta. Dahil dito, maagang namulat si Sir Totoy sa realidad ng buhay.
Bilang isang bata, nagsikap siyang maghanapbuhay upang makatulong sa kanilang pamilya. Naging tour guide siya sa mga kilalang destinasyon sa Boracay gaya ng Bat Cave, Crystal Cave, Mt. Luho, at Dead Forest.

Naranasan din niyang maghukay at magbenta ng lupa noong panahong dine-develop pa lamang ang Fairways and Bluewater. Nagtrabaho rin siya sa construction at nagsilbing tagalinis ng mga picnic area.
Sa kabila ng lahat ng paghihirap, gutom, at kakulangan sa buhay, nanatili siyang matatag at hindi nalulong sa anumang bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. Nanatili siyang may matibay na paniniwala na balang araw ay makakaahon din siya sa kahirapan.
Kalaunan ay bumalik ang kanilang ama at buong puso siyang tinanggap ng kanilang pamilya. Muling nagsimula ang kanilang buhay at ipinagpatuloy ni Sir Totoy ang kanyang pag-aaral. Nag-aral siya ng elementarya sa Balabag Elementary School at nagtapos sa Yapak Elementary School bilang Class Valedictorian.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Yapak National High School – Boracay National High School Annex, kung saan siya nagtapos bilang Class Salutatorian.
Dahil sa kanyang sipag at determinasyon, nakapagtapos siya ng kolehiyo sa Aklan Catholic College. Upang matiyak na maipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral sa kabila ng kahirapan, nagsilbi siya sa simbahan at tumanggap ng tulong mula sa mga taong naniwala sa kanyang kakayahan. Isa sa mga naging malaking bahagi ng kanyang tagumpay ay si Dr. Felix Gregorio Delos Santos, Jr., na tumulong sa kanyang mga pangangailangan sa paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo.
Matapos ang kolehiyo, matagumpay niyang naipasa ang Licensure Examination for Teachers (LET) at naging isang ganap na propesyonal na guro. Nagsilbi siya bilang Science Teacher sa Lamberto H. Tirol National High School sa loob ng labindalawang (12) taon, kung saan naging bahagi siya ng paghubog sa kaalaman at kinabukasan ng maraming kabataan.
Sa kalaunan, nagpasya siyang iwan muna ang pagtuturo upang ituon ang kanyang panahon sa isang personal na proyekto na kanyang itinuturing na isang adbokasiya—ang pagbuo ng MFTrike, isang makabagong electric vehicle (EV) na likha ng sariling talino at pagsisikap. Sa pamamagitan ng kanyang tiyaga at dedikasyon, ang MFTrike ay nakatanggap ng pagkilala mula sa Department of Energy at kasalukuyang kinikilala bilang isang electric vehicle na maaaring mairehistro sa Land Transportation Office alinsunod sa mga umiiral na batas ng bansa. Ang kanyang proyekto ay nakarehistro rin sa Board of Investments at may kaukulang dokumentasyon sa Bureau of Customs.
Sa larangan ng negosyo, si Sir Totoy ang nagtatag at may-ari ng MF Boracay Motors OPC, isang kumpanyang nagsisilbing assembler, importer, at dealer ng mga sasakyan at kaugnay na produkto. Ang kanyang pagsisikap sa larangan ng inobasyon at transportasyon ay patunay ng kanyang hangaring makapagbigay ng makakalikasang alternatibo para sa komunidad.
Noong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023, pumasok si Sir Totoy sa larangan ng serbisyo publiko bilang kandidato sa pagka-kagawad ng Barangay Yapak. Dahil sa tiwala at suporta ng kanyang mga kabarangay, siya ay nahalal bilang Kagawad at nagtamo ng unang pwesto sa bilang ng mga nahalal na konsehal.
Sa kasalukuyan, bukod sa kanyang tungkulin bilang konsehal at negosyante, patuloy niyang isinusulong ang kanyang mga adbokasiya sa edukasyon, inobasyon, at kaunlaran ng komunidad. Kasabay nito ay pinoproseso rin niya ang mga kinakailangang permit upang maging isang ganap na Boracay Tour Guide, isang propesyong malapit sa kanyang puso sapagkat dito nagsimula ang kanyang pakikibaka at pagbangon mula sa kahirapan.
Ang buhay ni Fernando Evangelio Delos Reyes, Jr. o Sir Totoy ay isang patunay na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa yaman o estado sa buhay, kundi sa tiyaga, pananampalataya, sipag,