Connect with us

Lifestyle

School Boy Noon, Guro na Ngayon!

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

Testimonya ni Tristan John C. Versoza
Benepisyaryo ng 4Ps
Isang guro sa pribadog paaralan

BURUANGA, Aklan (Pagtataguyod) -Ako si Tristan John C. Versoza, ipinanganak noong ika-pito ng Abril 2000, sa Brgy. Santander, ang lugar kung saan ako lumaki at hinubog ng mga pagsubok ng buhay.

Ikatlo ako sa pitong magkakapatid. Lumaki ako sa hirap, kung saan ang aming pamilya ay madalas na naninirahan sa bukid at umaasa sa pagtatanim ng kamote at kamoteng kahoy, pati na rin sa iba pang pananim na paminsan-minsan naming itinatanim. Sa murang edad, ramdam ko na ang bigat ng buhay at halos araw-araw ay isang pakikipaglaban para lamang makaraos.

Dumating pa sa puntong naisip ko noon na sana ay hindi na lamang ipinanganak ang aking mga kapatid upang gumaan ang aming kalagayan. Ngunit habang akoโ€™y nagkaka-isip, napagtanto ko na hindi iyon ang solusyon. Sa halip, ang aming pagmamahalan at pagkakaisa ang naging lakas namin upang magpatuloy.

Hindi ko makakalimutan ang mga panahong kinakailangan pa naming manghiram ng bigas upang may maihain sa hapag. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng kakulangan, nanatili kaming masaya dahil magkakasama kami bilang pamilya. Naranasan ko ring tumira sa aking mga kamag-anak habang akoโ€™y nag-aaral mula daycare hanggang elementarya.

Isang mahalagang yugto sa aking buhay ang dumating noong Enero 25, 2011, nang unang makatanggap ang aking ina ng tulong mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Dahil dito, kahit papaano ay nakabayad kami ng aming mga utang at nakabili ng pagkain para sa pamilya. Malaki ang naging ginhawa nito, lalo na sa aking ina.

Pagdating ko ng Grade 5, ako ay nag-transfer ng paaralan sa Kalibo, Aklan. Doon ako naging โ€œschool boyโ€ kina Punong Guro Mrs. Hidelyn M. Regalado at sa kanyang butihing asawa na si Sir Jim M. Regalado. Sa kanilang tahanan ko unang naranasan ang mas maginhawang sitwasyon sa buhay. Kahit malayo ako sa aking pamilya, pumayag ako at ganoon din ang aking mga magulang dahil alam naming ito ang mas makabubuti para sa aking kinabukasan.

Hindi nila ako pinabayaan. tinuring nila akong parang sariling anak, at itinuring ko rin silang pamilya. Doon ko naranasan ang may nag-aalaga at gumagabay sa akin sa aking pag-aaral at buhay.

Ngunit dumating ang panahon na ako ay mag First Year High School, at nagpasiya akong bumalik sa aming tahanan. Kinausap ko ang aking mga magulang at sinabi na doon na lamang ako magpapatuloy ng pag-aaral. Nakita ko sa kanilang mga mata ang pag-aalinlangan, sapagkat tila iniisip nila na baka nakalimutan ko na kung gaano kahirap ang aming buhay. At tunay nga na pagbalik ko, muli kong hinarap ang reyalidad ng kahirapan.

Ako ay nag-aral sa Buruanga National High School, kung saan ko ipinagpatuloy ang aking Junior High School. Hindi naging madali ang lahat. May mga pagkakataon na wala kaming pambayad sa school events, at wala ring maambag kahit sa simpleng Christmas party.

Ngunit sa tuwing dumarating ang tulong mula sa 4Ps, pilit namin itong pinagkakasya upang masuportahan ang aming pag-aaral. May mga pagkakataon din na ang aking mga guro ang sumasagot sa aking mga bayarin upang ako ay makasali sa mga gawain sa paaralan. Dito ko higit na naunawaan na hindi ako nag-iisa. May mga taong handang tumulong at naniwala sa aking kakayahan. Sila ang naging inspirasyon ko upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa kabila ng lahat ng pagsubok.

Pagdating ng Senior High School, ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Buruanga Vocational School. Kahit alam kong mahirap, pinili ko pa ring magpatuloy. Ibaโ€™t ibang paraan ang aking sinubukan upang makapasok sa paaralan, minsan ay nakikisakay ako sa aking mga guro papunta sa school. Ito ang isa sa pinakamakulay na yugto ng aking pag-aaral, ngunit ito rin ang isa sa pinakamabigat. Sa panahong ito, nagkasakit ang aming ina, kayaโ€™t madalas akong lumiban sa klase upang tumulong sa amin. Ngunit hindi ito naging dahilan upang ako ay sumuko. Sa halip, lalo akong pinatatag ng sitwasyon.

Sa kolehiyo naman, marami ang nagtanong: โ€œSaan ka mag-aaral?โ€ โ€œSino ang gagastos?โ€ May nagsabi pa na dapat mauna muna ang aking ate. Sa isip-isip ko, โ€œHindi naman ako hihingi sa inyo.โ€ Ngunit sa totoo lang, hindi ko rin alam noon kung paano ko ito kakayanin.

Sa kabila ng lahat ng pagdududa, kumuha ako ng entrance exam at pinalad na makapasa sa isang public university dito sa Aklan. Malaking biyaya na libre ang matrikula sa state university, ngunit hindi pa rin nawawala ang iba pang gastusin.
Sa aking First Year College, isa itong malaking adjustment para sa akin. Ngunit sa kabila nito, may mga taong naging bahagi ng aking buhay at nagbigay ng suporta sa akin.

Noong Marso 2020, tuluyan kaming iniwan ng aming ina. Ang kanyang pagkawala ay nagdulot ng matinding lungkot at tila nag-iwan ng malaking puwang sa aming buhay. Kasabay pa nito ang paglaganap ng COVID-19 pandemic, na lalo pang nagdagdag ng hirap sa aming kalagayan. Sa kabila ng lahat, hindi ako sumuko.
Sa pagkawala ng aking ina, ang pagiging benepisyaryo ng 4Ps ay ipinasa sa akin bilang grantee para sa aking mga kapatid. Mas lalo akong naging responsible, hindi lamang para sa aking sarili, kundi para sa aking pamilya.

Sa wakas Hunyo 2023, ako ay naging ganap na kauna-unahang degree holder sa aming pamilya, nagtapos ng kursong Bachelor of Technical-Vocational Teacher Education, major in Computer Systems Servicing and Programming. Pero hindi doon natapos ang aking laban. Noong Marso 2025, ako ay kumuha ng Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT), at sa kabutihang palad ay aking naipasa ito. Isa itong napakalaking tagumpay para sa akin tila nagkaroon ng saysay ang lahat ng aking paghihirap, sakripisyo, at mga pagdududa.

Sa kasalukuyan, ako ay nagtuturo na sa isang pribadong paaralan. Bagamat alam kong malayo pa ang aking lalakbayin at marami pang hamon ang darating, narito na ako patuloy na lumalaban at nangangarap. At sa aking kapwa kabataan, lalo na sa mga kabilang sa pamilyang benepisyaryo ng 4Ps, patuloy tayong magsumikap. Samahan natin ito ng tamang diskarte at pananalig sa Maykapal. May mas magandang bukas para sa atin.

PAGTATAGUYOD
Ang aking pakikipagtulungan sa programang 4Ps ay hindi nagsimula bilang isang guro, kundi bilang isa mismong benepisyaryo noong ako ay nasa pag-aaral pa lamang, kung saan ang aking pamilya ay napabilang sa mga tinulungan ng programa para maitaguyod ang aming kalusugan at edukasyon.

Ang aking pakikipagtulungan ay nagbago mula sa pagiging taga-tanggap ng tulong tungo sa pagiging isang taga-akay sa pamamagitan ng paggabay sa mga munting isip upang tulungan silang maging mahusay at aktibong miyembro ng pamayanan.
Bilang bahagi ng isang pribadong institusyong pang-edukasyon, nakatutulong ang aming organisasyon sa programang 4Ps sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon upang mahubog ang kanilang isip, asal at gawi,

Sa aking pagsusuri bilang isang guro at dating benepisyaryo, ang aspetong higit pang mapauunlad sa 4Ps sa pamamagitan ng mas matibay na koneksiyon sa mga ahensya upang mabigyan ng pagkakataon upang makahanap trabaho o kabuhayan upang tuluyan nang makatawid sa kahirapan ang pamilya./Ipinasa ng Buruanga MOO, Aklan POO/kjg
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay