KALIBO, Aklan– Inaayos na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang pagpapatupad ng “no-contact apprehension policy”. ‘
Ayon kay Sangguniang Bayan Member Matt Aaron Guzman, Chairman ng Committee on Transportation na handa na ang Kalibo para sa nasabing polisiya ngunit kailangan pa raw na madagdagan ang mga unit ng CCTV camera’s lalo na sa mga nangungunang daanan upang ito ay maipatupad ng maayos.
Sa ilalim ng “no-contact apprehension policy” ay gagamit na lamang ng closed circuit television cameras o CCTV upang mahuli ang mga pasaway na motorista. Ito rin ang magsisilbing ebidensiya laban sa mga biolenteng motorista.
Sa ngayon aniya ay mayroon lamang na 180 na CCTV cameras sa buong bayan. Ito rin daw ang dahilan kung bakit pininturahan ng body number ang itaaas na bahagi ng mga registered franchise tricycles para sa mas mabilis na identification.
Samantala, nilinaw rin nito na bago pa ang pandemya ay nakipagpulong na sila sa mga operators para sa magiging palatuntunan kung saan maliban sa driver ay obligado rin ang mga operators na magbayad ng multa kapag mayroong violation.
Napag-alaman na kapag umabot na sa tatlong magkasunod ang major offense ng isang driver ay puwedi nang makansela ang prangkisa nito.