Connect with us

Latest News

DBM, maglalabas ng 375 milyong pondo upang tulungang makabangon ang Cebu

Published

on

Bread & Butter Biscocho de Boracay

MANILA – Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inatasan ngayong araw ni Secretary Amenah Pangandaman ang Department of Budget and Management (DBM) na agarang i-proseso ang paglalabas ng aabot sa P375 milyong pondo upang makatulong sa pagsisimula ng rehabilitasyon sa lalawigan ng Cebu.

Ito ay matapos makatamo ang lalawigan ng matinding pinsalang dulot ng magnitude 6.9 na lindol. Gamit ang Local Government Support Fund (LGSF), maglalabas ang DBM ng P150 milyon para ilaan sa buong lalawigan ng Cebu, habang tig-P75 milyon naman ang para sa San Remigio, Bogo City, at Medellin.

Layunin nitong mapabilis ang relief operations at paunang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar na matinding nasalanta ng lindol. Nakataas ngayon ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cebu, matapos lagdaan ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang Executive Order No. 57, kung saan mapapabilis ang paggamit ng pondo at agarang maisasagawa ang mga hakbangin tulad ng rescue, relief at rehabilitasyon.

Tiniyak naman ng DBM na may sapat na pondo ang pambansang pamahalaan para sa mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng lalawigan. Sa isang pahayag, sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na hindi umano dapat maantala ang pagpapadala ng tulong ng gobyerno sa mga naging biktima ng lindol.

“Ang gusto po ng Pangulong BBM, lahat ng ahensya ng gobyerno ay gumalaw ng mabilis para mabigyan ng agarang tulong ang mga biktima ng lindol sa lalawigan ng Cebu. Whole-of-government approach po ito— mula sa paglalabas ng pondo, pag-deliver ng emergency service, at pagsasagawa ng ground zero assessment,” ani Secretary Amenah Pangandaman. “Our government is prepared. We have standby funds that can be tapped immediately to deliver assistance to those affected. In moments like this, government aid must never be delayed,” saad ni Pangandaman.

Sa ngayon ay may natitira pang P5.3 bilyon na budget ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) na maaaring magamit para sa mas malawak na rehabilitasyon at sa pagsasaayos ng mga imprastrakturang napinsala ng lindol. Ito ay matapos i-release ng DBM ang Quick Response Fund (QRF) replenishment ng DSWD (P625 million) kahapon, at ngayong araw naman ang sa DPWH (P1 billion).

Ayon sa tala ng PHIVOLCS, tumama ang 6.9 magnitude na lindol bandang 9:59 ng gabi noong Setyembre 30. Batay sa pinakahuling ulat, umabot na sa 72 ang nasawi at halos 300 ang sugatan sa Cebu.  Iba’t ibang imprastraktura ang naapektuhan ng lindol tulad ng mga gusali, tulay, mga paaralan, at ilang simbahan gaya ng Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima na gumuho matapos ang lindol.

Sa kasalukuyan, mahigit 2,600 na pamilya ang nananatili sa evacuation centers dahil sa patuloy na mga aftershock. Nakatutok naman si PBBM sa paghahanap ng evacuation area para sa 65,000 displaced families kasunod ng nasabing lindol. Marami rin ang nakararanas ng brownout, aberya sa komunikasyon at pagkaantala sa transportasyon dahilan upang maging hamon ang paghahatid ng tulong sa mga malalayong barangay.

Sa kabila ng matinding pinsala, tiniyak ng DBM na buo ang suporta ng pambansang pamahalaan sa Cebu at mga karatig-lugar upang masiguro ang mabilis na pagbangon ng mga komunidad.

“We are deeply saddened by the tragedy in Cebu. Nakikiramay po ang buong pamahalaan, sa pangunguna po ni Pangulong Bongbong Marcos sa lahat ng pamilya ng mga biktima ng lindol. Alam po naming napakahirap ng pinagdaraanan ninyo ngayon. But we encourage you to remain strong. Your government is with you. We have your back. And we will do everything we can to help you during this very difficult time. Let us work together and support each other,” saad ni Secretary Amenah.

Continue Reading
Click to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Bread & Butter Biscocho de Boracay