
Ni: Mary Hope Zonio
Nagpalabas ngayon ng isang Executive Order si Kalibo Mayor Juris Bautista Sucro na naglalayong makabuo ng komitiba para sa isinusulong na pagiging lungsod ng bayan ng Kalibo.
Ayon sa Executive Order No.007 na ipinalabas at nilagdaan ni Mayor Sucro, nakasaad rito na ang binuo nilang komitiba ay siyang magiging responsable sa paghanda ng lahat ng mga dokumento na kakailanganin ng bayan upang maisakatuparan ang kanilang pangarap na maging isang ganap na lungsod.
Dito rin ay itinakda ni Mayor Juris Sucro ang kaniyang sarili bilang Chairperson ng komitiba, Vice Chairperson si Vice Mayor Cynthia Dela Cruz, at ang mga ibang miyembro nito ay sina SB Member Phillip Y. Kimpo, SB Member Kristine Dela Cruz, at isa pang hindi pa pinangalanang miyembro na magiging representante mula sa tanggapan ni Aklan 1st District Congressman Carlito S. Marquez.
Nakasaad rin sa nasabing EO na pasado ang Kalibo na maging lungsod kung pagbasehan ang amended provisions ng Section 450 ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991 kung saan sinasabing puwedi na maging siyudad ang isang bayan kapag mayroon itong locally generated average annual income na P100 million sa nakalipas na dalawang magkasunod na taon na dapat ay sertipikado ng Department of Finance.
Binigyang punto rin dito na ang Kalibo ay first class municipality mula 1997 at sentro ng lahat ng serbisyo kung saan libo-libo pang mga tao ang pinagsisilbihan mula sa ibat-ibang karating probinsya at lalawigan. Hindi pa umano kabilang dito ang mga nagmumula sa ibang bansa na bumibisita rin sa nasabing bayan.
Dito, umaapela rin si Mayor Sucro sa mga miyembro ng Kongreso sa pamamagitan ni Aklan 1st District Congressman Carlito Marquez upang mabigyan ng kasagutan ang kanilang hiling na maging lungsod na ang Kalibo.
Danilo N. Delos Reyes
February 9, 2023 at 9:05 PM
Bilang isang aklanon na naka base sa marikina city ay suportado ko ang layunin ng mga taga kalibo na maging ganap na syudad dahil itoy kabisera ng aklan at.mas mabilis ang pag unlad ng kalibo kung itoy maging syudad dahil tataas ang tiwala ng mga investors both local and international.kailangan lang na paigtingin pa ng bayan ng kalibo na tumaas pa ang koleksyon ng buwis,additional insfastructures at facilities para sa pagpakita na itoy may mabilis na physical development as a cityhood applicant.
admin
February 9, 2023 at 9:26 PM
Saeamat!