
By: Fr. Pol Villalva
(Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay)
Bilang mga Pilipinong Kristiyano, paano tayo nakilahok sa nagdaang Eleksyon?
At ano ang naging damdamin natin matapos ang Eleksyon?
Noong nakaraang Linggo, ipinagdiwang natin ang Linggo ng Mabuting Pastol. Pinagnilayan natin ang mga katangian ni Hesus bilang ating Mabuting Pastol na nangangalaga, sumusubaybay at nagtatanggol sa atin na Kanyang kawan.
Kaugnay nito, ipinagdasal din natin na maging mapayapa ang Eleksyon at maging mapanuri ang taong bayan sa pagpili sa mga magsisilibing pastol ng ating bansa, lalawigan at bayan na ang puso at hangarin ay naayon nawa sa pagiging Pastol ni Hesus.
Tapos na ang Eleksyon, may nabigo at nagwagi. Kaya ngayon, inaanyayahan na tayong harapin ang katotohanan ng ating buhay.
Sa liwanag ng Salita ng Diyos, pagnilayan natin kung paano haharapin ang buhay na pinaghati-hati ng iba’t ibang kulay at partido at sinaktan ng mga mapanirang pamamaraan ng pangangapanya.
1. PATATAGIN ANG LOOB NG ISA’T ISA
“Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya.” (Mga Gawa 14:22)
Hindi lahat ay nanalo sa Eleksyon, may mga kandidatong natalo. Kaya, sila at ang kanilang mga tagasuporta ay nalungkot at ang iba’y pinanghinaan ng loob. Paano natin tinatanggap ang pagkatalo ng ating sinuportahang kandidato? Nagiging instrumento ba tayo ng pagpapalakas ng loob at pagbibigay pag-asa o patuloy na nanlalait ng damdamin ng isa’t isa?
2. IPADAMA ANG DIWA NG PAG-IBIG
“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.” (Juan 13:34)
Ang nagdaang Eleksyon ay pansamantalang binulabog ng pagkakanya-kanya at pagkakampi-kampi. Lumabas ang mga mapanlait na salita sa social media at nakita ang mga di makataong pakikitungo. Bukas ba ang ating pusong ibalik at higit pang pag-alabin ang pag-ibig natin sa Diyos at sa mga naging katunggali sa pulitika?
3. TAHAKIN ANG LANDAS NG PAGBABAGO
“At papahirin niya ang kanilang mga luha. Wala ng kamatayan, dalamhati, pag-iyak at sakit sapagkat lumipas na ang dating mga bagay. Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, ‘Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!'” (Pahayag 21:4-5)
Isang malaking hamon para sa mga nagwaging lingkod bayan ay ang tuparin ang kanilang tungkulin at mga ipinangako sa taong bayan noong panahon ng kampanya. Mananatili ba sila sa mga nakasanayan at maling sistema o lilikha sila ng bagong pamamaraan ng pamumuno na mag-aangat sa buhay ng lahat ng Pilipino?
MANALANGIN TAYO:
Ama naming Makapangyarihan nagpapasalamat kami sa pagmulat mo sa mata ng maraming Pilipino na makisangkot sa isang mapayapang Halalan. Pagningasin Mo po ang aming pag-ibig sa Iyo, sa kapwa at sa bayan. Nawa sa Iyong tulong ay sama-sama naming makamit ang tunay na pagkakaisa, mga minimithing pagbabago at pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
Mga Pagbasa:
Mga Gawa 14:21b-27
Salmo 145
Pahayag 21:1-5a
Juan 13:31-33a,34-35