
By: Hensie Tumbagahan
(Katotohanan lang po ito, walang personalan, isinulat ko lang.)
Lahat kaming OFW meron nito. Naka-imprinta bawat pangalan at halaga na aming pinaghirapan kung kanino at para saan mapupunta. Sa isang buwan ng paghihirap at ilang taon na pagsusumikap para sa pangarap pagod ay nawawala kapag kayo ay napadalhan at napasaya.
Ngunit, bakit? Madalas kong itanong sa sarili ito. Madaming Pilipino ang nagsasakripisyo sa ibang bansa ngunit tila balewala lang ang lahat ng hirap. Kapag may ngyayari sa mga kapamilya sa Pilipinas, itatawag kay Kabayan at madalas sa madalas siya pa ang masisisi sa lahat.
Sinisi saan? Pag hihingan kasi ng tulong at di nakapagbigay ikaw na ang pinaka-ganid na taong kilala nila. Iisipin na may pera naman, bakit ayaw magbigay? Nakapangibang-bayan lang, yumabang na?
Totoo di ba? Lahat tayo, kapag malapit na ang sweldo, makakatanggap ng mensahe mula sa kanila na may salitang, “Ate, Kuya, Nanay, Tatay, Tito, Tita, Lolo, at Lola, baka pwedeng…?”
Bahala na kayong magdugtong.

Teka, hindi lahat ng kapamilya ganito ha. Meron namang iba na talagang nagsusumikap at tinutulungan si Kabayan, upang makauwi na. Ayaw nilang ipasa lahat ng paghihirap sa kanya. Minsan sila pa ang sumasalo sa ibang gastos ni Kabayan upang mapagaan ang pakiramdam.
Kalimitan sa ating mga OFW, sa kagustuhang makauwi na at matapos ang paghihirap sa ibang bansa, padalos-dalos sa desisyong pinansyal na mas lalong nagpatagal sa paninilbihan sa ibang lahi at bayan. Malaki din ang impluwensya ng emosyon at pakiramdam sa perang pinaghirapan.
Tatlong maling desisyong pang-pinansyal na aking nagawa bilang OFW:
1.) Pagbubukas ng bank account na wala sa pangalan mismo, kundi nasa (EX)asawa. Ang tanga? Hahaha.
Pwedeng magpaliwanag, your honor?

Syempre bilang magkasama sa buhay(In my dreams lang pala), ang unang tao na pagkakatiwalaan ay ang napiling kapareha. Di ba? Napaka-common naman siguro nito. Di lang ako ang gumawa. Yun lang, mas malala ang sa iba nalulong sa ibang bisyo (sugal, alak, sigarilyo, at worst ibang babae/lalaki) na mas lalong nagpamali sa desisyon ni Kabayan. Sa akin, ito ang pinagmulan ng maling kaisipan at naging sanhi para kamuhian.
Ayun sa sobrang inis at galit; nagpadala sa emosyon at ginastos ng paurong. Sayang! Pero, ganon talaga. Laging may leksyon at dapat ng matuto. Sabi nga, ang pera minsan ang pinakamahalagang instrumento upang malaman kung ang mga taong nasa paligid mo ay totoo sa’yo o hindi. Maliit man o malaki.
2.) Pagpapagawa ng bahay sa lupa na wala sa pangalan ni Kabayan. Isang batok ulit!

I remember my father’s words, “May lupa na siguradong mapapasayo, bakit doon ka magpapagawa ng bahay niyo?”
Sorry na po, Fadz.

3.) Tumulong ng buong puso kapalit ay hindi pag-respeto sa sariling pagkatao.
Hindi ko na pahahabain pa ang pagpapaliwanag dito. Ikaw na ang mag-isip at humusga, kung ang desisyon sa usaping pinansyal ay tama pa ba. Walang makakaimpluwensya sa iyo, maliban sa sarili mo. Ikaw lang ang may alam ng sitwasyon at perang pinaghirapan at kahahantungan nito.
Lahat tayo nagkakamali, ngunit IILAN lang ang natutong ayusin ito. KAUNTI lang ang matapang na baguhin ito. BILANG lang sa daliri ang nais mapabuti ang ginawang pagkakamali.
Hawak natin ang paghihirap o sarap sa pag-abot ng pangarap. Goodluck!
Peace and love.
