
Testimonya ni Andrea Robe A. Velasquez
Benepisyaryo ng 4Ps
ESTANCIA, Iloilo – Ma, Pa, gusto kong mag-aral sa WVSU. “Wala tayong pera, anak, hindi natin kaya.” “Marami pa kayong magkakapatid na nag-aaral.” “May maintenance pa ang papa mo,” sabi ng nanay na mabigat ang dibdib dahil hindi niya maibigay ang gusto ng anak.
Para sa isang estudyanteng may mataas na pangarap sa buhay, masakit iyon maramdaman. Pero hindi siya pinanghinaan ng loob, bagkus nag-isip ng mabuti na kahit saan mang paaralan, anong kurso man, lahat ay maganda. At sa tamang panahon, may mas magandang plano ang Diyos dahil may scholarship program ang 4Ps para sa mga incoming college students. Tunay ngang napakabuti ng Diyos—tinatawag itong God’s perfect timing.
Kumuha ako ng Bachelor of Science in Fisheries dahil isa iyon sa mga kursong pwedeng piliin, limitado lang kasi ang mga available na kurso. Sa simula, maayos ang college life, aktibo sa academics, sports, sayawan, Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) officer, at iba pang extra-curricular activities. Nahalal pa akong presidente ng BS Fisheries Department. Ngunit dumating ang problema: nakatanggap kami ng tawag na si Papa isinugod sa ospital dahil pumutok ang kanyang appendicitis, at ang kapatid ko naman naospital din dahil may sakit. Para bang pasan ko ang mundo sa bigat ng nararamdaman.
Madalas, tumutulo ang pawis sa aking mukha at katawan dahil naglalakad lang ako mula bahay papuntang eskwelahan para makatipid sa pamasahe. Sa nagtitipid, may dagdag para sa allowance na galing sa 4Ps at para makabili ng bigas sa bahay, makakatulong para maiwasan ang gastusin.
Isang araw, nakita ako ng guidance counsellor na naglalakad sa campus na may luha sa mata. Agad niya akong tinanong kung ano ang problema. Doon ko nailabas ang lahat ng iniisip araw-araw: si Papa, si bunso, wala na kaming maayos na pagkain, lugaw na lang na may asin at maraming tubig para mabusog ang tiyan.
Namumulot ng kangkong para may ulam. Sunod-sunod na project, research, tasking sa eskwela, at mga gastusin. Sa dami ng problema, hindi ko na mabilang lahat.
Pakiramdam ko hindi ko na kaya ang mga hamon sa buhay, pero hindi ako sumuko dahil gusto kong makatapos. Lahat ng raket na pwede kong pagkakitaan, pinasok ko na tulad ng paggawa ng projects, assignments, research ng mga kaklase. Sumali sa sayawan, pumasok sa horror house hindi para mag-enjoy kundi para maging cast na nananakot, nagbebenta ng kung anu-ano para makasurvive sa gastusin.
Malaki ang tulong ng 4Ps sa aking pag-aaral. Kaya isinapuso ko na dapat magsikap habang may pagkakataon upang makapag-aral. Ang resulta, taon-taon nakatanggap ako ng awards at medal bilang Dean’s Lister. Pero hindi ko agad sinasabi sa mga magulang ko para masorpresa sila, gaya ng ginagawa ko noong elementary at high school.
Kung ang iba nagdiriwang sa labas at kumakain ng masasarap, kami pagkatapos ng programa diretso uwi at sa bahay kakain ng tuyo o noodles. Ang mahalaga masaya at kumpleto ang pamilya.
Nang makapagtapos ako sa kolehiyo sa Northern Iloilo State University sa aming bayan, hindi ko alam kung saan at paano magsisimula sa bagong yugto ng buhay. Nag-apply ako kahit saan, pero napakabuti ng Diyos at may nag-offer ng trabaho kahit hindi ko inapplyan. Ngunit natapos din ang project kaya nag-apply ako sa isang drugs store at agad natanggap.
Isang araw, nakita ko sa Facebook na may AFPSAT Exam sa Cebu para sa gustong maging bahagi ng Military. Nagpunta ako sa Cebu kahit kulang ang pera, sumakay ng trucking para makarating. Salamat sa kakilala ni Papa na isinabay ako nang libre. Pagdating sa Cebu, nahirapan ako dahil first time ko doon at hindi ako marunong mag-Bisaya. Pero dahil determinado, nakarating din ako sa testing center ng Philippine Navy.
Nag-exam ako, sobrang kaba habang tinatawag ang mga pumasa. Hanggang marinig ko ang apelyidong Velasquez, nakahinga ako nang maluwag. Pero hindi pa tapos, may sunod pang exams: neuro, physical, medical, dental, hanggang sa final interview. Isa sa mga tanong: “Bakit gusto mong pumasok sa Philippine Navy?”
Nag-isip ako. Ang sagot ko, hindi para maging bayani, kundi para makatulong sa pamilya. Marami pa akong kapatid na gustong pag-aralin at para magkaroon ng maayos na trabaho. Lumabas ang resulta, at sobrang saya nang mabasa ko sa final list ang aking pangalan. Doon nagsimula ang pagbabago ng buhay ko.
Nag-training ako at naging regular sa Philippine Navy. Dumating ang mga oportunidad, nakapaglakbay sa buong Pilipinas nang libre—Luzon, Visayas, Mindanao. Inimbitahan bilang guest speaker at judge. Hindi na kangkong at asin ang ulam palagi.
Naalala ko noon, sinasabihan kami na parang nakasabit lang ang kangkong sa bibig dahil sa sobrang kahirapan. Hindi na kalahati ng pitsel ang mainit na tubig para sa kape ng lahat. Hindi na tumutulo ang ulan sa loob ng bahay kapag umuulan sa labas.
Sobrang hirap ng buhay noon. Si Mama walang trabaho, si Papa nagtatrabaho sa fishing port, kung ano lang ang kita para sa amin na walong magkakapatid. Halos araw at gabi si Papa nagtatrabaho, walang pahinga para lang may maipakain. Nabasa sa ulan, nabilad sa araw, nagkasakit pero patuloy na lumalaban para sa pamilya.
Kaya wala akong dahilan para panghinaan ng loob araw-araw.
Totoo ang kasabihan na minsan sinusubok tayo hindi para ipakita ang kahinaan, kundi para tuklasin ang ating lakas. Hindi lahat ng gusto at plano mo mangyayari, pero may mas magandang nakalaan.
Ngayon, ang mukha ko ay may kwento. Hindi na lang ito basta mukha, kundi mapa ng lahat ng pinagdaanan ko. Sa salamin, nakikita ko ang taong naging ako. Lahat tayo, dala ang ating karanasan, hindi lang sa isip kundi pati sa mukha. Para bang suot natin ang kwento ng buhay para makita ng mundo.
Maraming salamat sa 4Ps. Kung wala ito, hindi ko masi sigurado kung nakatapos ako sa aking pag-aaral. (Submitted by Municipal Link Diana S. Dorado, Estancia MOO, Iloilo POO).