
Nangako si dating Senador at independent senatorial candidate Bam Aquino na magtatrabaho para maitaas ang suweldo ng mga guro sa bansa.
Bukod sa dagdag suweldo, isusulong din ni Aquino na dagdag na pondo para sa laptop, chalk at iba pang gamit, at pamasahe ng mga guro para mas maging epektibo sila sa pagganap sa tungkulin.
Ayon kay Aquino, ito’y pagkilala sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa ating bansa, lalo na pagdating sa edukasyon ng mga Pilipino. Makatutulong din ang mga pagkilos na ito para maiangat pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kapag muling mahalal na Senador, balak ni Aquino na palawakin pa ang libreng kolehiyo at tiyaking nakikinabang ang mga estudyante sa libreng pabaon na nakapaloob sa batas.
Isusulong din ni Aquino ang siguradong trabaho para sa mga Pilipino, kabilang ang mga out-of-school youth.