
Pasok si Bam Aquino sa pinakabagong survey ng Social Pulse Philippines sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo.
Nasa ika-labindalawang posisyon si Aquino sa survey para sa Pebrero na ginawa ng SPP mula Enero 26 hanggang Pebrero 8 at nilahukan ng 1,000 katao. Sumali sa survey na ginamitan ng face-to-face interviews ang tig-300 katao mula Metro Manila, Balance Luzon, at Visayas habang 100 katao ang nakilahok sa Mindanao.

Nasa ika-12 puwesto rin si Senador Bam sa survey ng SPP para sa buwan ng Enero. Bukod sa SPP, pasok din si Senador Bam sa survey ng Pinasurvey noong Disyembre, kung saan tabla siya para sa pang-anim hanggang pang-13 puwesto Kabilang din si Aquino sa Magic 12 ng mga nakalipas na survey ng Publicus Asia at Tangere.
“Naniniwala kami na gaya rin nang dati, gaya noong 2022, nagsimula noong kampanya, pasimula pa lang but by the end of the campaign nayanig iyong buong pundasyon ng politika sa Pilipinas” sabi ni Aquino habang tinutukoy ang kampanya noong 2022.

“Iyon rin ang makikita po natin. Mula ngayon for the next 90 days lalabas ang mga tao at makikita nila na maganda tayong alternatibo,” dagdag niya.
Bitbit ni Aquino sa kanyang pagtakbo ang platapormang palawakin ang Free College Law para maabot ang mas maraming estudyante at matiyak na nakukuha nila ang subsidy para sa iba pang gastusin sa paaralan na nakapaloob sa batas. Maliban dito, isinusulong din niya ang siguradong trabaho para sa mga Pilipino.