
Dasmariñas City, Cavite- Napuno ng “Leni Magic” ang Dasmariñas City Arena sa Cavite nang opisyal na inendorso ni dating Bise Presidente Leni Robredo nitong Miyerkules ang kandidatura ni dating Senador at independent candidate Bam Aquino para sa Senado sa darating na Mayo.
Sa gitna ng sigawan at palakpakan, hinikayat ni Robredo ang kanyang mga tagasuporta na ikampanya si Aquino, na kanyang pinuri bilang isang maaasahang kakampi ng taumbayan at kampeon ng libreng edukasyon at siguradong trabaho.
“Higit pa sa husay, si Senator Bam ay masasandalan sa pinakamalalaking laban. Alam na alam ko ito dahil siya ang aking naging campaign manager noong ako ay lumaban para sa vice presidency noong 2016, at siya ulit ang aking piniling campaign manager noong ako’y napalaban noong 2022,” ani Robredo.
“Bagamat marami ang mga hamong ating kinaharap, kampante ako dahil siniguro niya na maayos ang lahat. Ganyan ang senador na kailangan ng taumbayan—mahusay at maaasahan,” dagdag pa niya.
Tiwala si Robredo na magwawagi si Aquino sa tulong ng mga tagasuporta at volunteers na naging puwersa ng kanyang kampanya noong 2022.
Samantala, pasok si Aquino sa pinakabagong survey ng Social Pulse Philippines sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo.
Nasa ika-labindalawang posisyon si Aquino sa survey para sa Pebrero na ginawa ng SPP mula Enero 26 hanggang Pebrero 8 at nilahukan ng daan daang katao.
Sumali sa survey na ginamitan ng face-to-face interviews ang tig-300 katao mula Metro Manila, Balance Luzon, at Visayas habang 100 katao ang nakilahok sa Mindanao. Nasa ika-12 puwesto rin si Senador Bam sa survey ng SPP para sa buwan ng Enero.
Bukod sa SPP, pasok din si Senador Bam sa survey ng Pinasurvey noong Disyembre, kung saan tabla siya para sa pang-anim hanggang pang-13 puwesto Kabilang din si Aquino sa Magic 12 ng mga nakalipas na survey ng Publicus Asia at Tangere.
Bitbit ni Aquino sa kanyang pagtakbo ang platapormang palawakin ang Free College Law para maabot ang mas maraming estudyante at matiyak na nakukuha nila ang subsidy para sa iba pang gastusin sa paaralan na nakapaloob sa batas.
Maliban dito, isinusulong din niya ang siguradong trabaho para sa mga Pilipino.