
TANGALAN, Aklan- Pormal na itinanggi ni Aklan Second District Congressman Teodorico Haresco Jr ang naunang paratang laban sa kanya ng kanyang pinsan na si dating Governor Florencio Miraflores na kinakalaban diumano nito ang lokal na partidong Tibyog.
Sa naging panayam sa kaniya ng lokal na media, sinabi ni Miraflores na ang dahilan ng kanyang pagtakbo sa kongresista sa ikalawang distrito ay dahil sa reklamo laban sa kaniya ng mga alkalde na pawang mga incumbent ng Tibyog,
Pero ayon kay Haresco, sa katotohanan, tatlo lamang sa siyam na bayan ng Western district ang may kalaban sa hanay ng mga alkalde.
Bagaman nagdeklara na ng laban sa pulitika si Miraflores, sinabi ng kalaban nitong si Haresco na kahananda siyang ipaglaban ang kanyang pangatlo at huling termino sa darating na 2025 national and local elections.
“May offer sa akin ang administrasyon ni President Ferdinand Bongbong Marcos Jr bilang isang cabinet secretary pero tinanggihan ko eto dahil nais kong tapusin ang aking mga nasimulan na programa para sa pangalawang distrito ng Aklan,” pahayag ni Haresco sa isinagawang press conference sa bahay nito Miyerkules ng gabi.
Sinabi rin nito na wala siyang pinapanigan sa pagbibigay ng tulong sa mga residente ng second district dahil karapatan ng bawat Aklanon ang serbisyo ng pamahalaan maging Tibyog man o hindi.
Dagdag pa ni Haresco., kung titignan ng Tibyog ang marami sa mga ipinasang bill nito sa kongreso, makikitang si incumbent Governor Jose Enrique Miraflores ang makikinabang sana sa mga proyekto kung eto lamang ay sinuportahan ng mayorya.